Mayor Isko sa mga magulang: Pabakunahan ang mga anak vs polio

Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga magulang sa lungsod na “huwag katamaran” ang pagpapa-bakuna sa kani-kanilang mga anak laban sa polio.

Ayon kay Moreno, nasa limampu’t limang porsyento pa lamang ang mga nababakunahang batang ManileƱo, mula noong Agosto nang ilunsad ang “Olats ang Polio sa Maynila.”

Dahil dito, nakikiusap si Moreno sa mga magulang na huwag nang katamaran at bigyan ng oras ang pagpunta sa local health centers para mabigyan ng Oral Polio Vaccines ang kanilang mga anak.

Paghihimok ni Moreno, “WanTu” ang bakuna sa mga health centers. Ibig sabihin “Wantusawa”.

Libre din aniya ang “patak” o oral vaccine laban sa polio kaya walang kailangan isiping gastos ang mga magulang.

Dagdag nito, bukas ang mga health center sa buong lungsod mula Lunes hanggang Biyernes, at minsan ay bukas din tuwing Sabado.

Ani Mayor, sayang naman kung hindi mapatakan o mabakunahan ang mga bata, gayung may solusyon naman ang pamahalaan upang malabanan ang nakamamatay na polio.