Mayor Isko, nais kasuhan ang nasa likod ng nakumpiskang toneladang “hot meat”

Planong kasuhan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga indibidwal at grupo na nasa likod ng pag-iimbak at pagbebenta ng hot meat sa Maynila.

Kasunod ito ng ginawang pagsalakay ni Vice Mayor Honey Lacuna, kasama ang Manila Police District (MPD) at Manila Veterinary Inspection Board, sa siyam na bodega sa Juan Luna Street sa Tondo kamakailan, kung saan nadiskubre at nasabat ang mahigit P20 million na halaga ng hot meat o nasa mahigit 15 toneladang karne.

Sa pahayag ni Mayor Isko, inutusan niya ang city legal at ang Business Permit and Licensing Office, na kasuhan ang mga grupo at indibidwal.

Nais rin ng alkalde na kasuhan ang may-ari ng mga paupahang apartment at ang lumang bahay, na ginamit ng mga grupo bilang storage ng hot meat na umano’y galing sa China at iligal na ipinasok sa bansa.

Samantala, agad na dudurugin at ididispose ang mga nakumpiskang hot meat dahil sa umaalingasaw na ang mga ito at dahil na rin sa pangamba sa African Swine Flu na maaring makaapekto sa kalusugan ng publiko.