Mayor Isko Moreno, pumirma sa ordinansang kakaltas sa real property tax ng 20%

Pinirmahan ngayong hapon ni Manila Mayor Isko Moreno ang City Ordinance No. 8567, na layong mabawasan ng dalawampung porsiyento ang binabayarang real property tax ng mga taga Maynila mapa pribado man o commercial na lupa.

Sa ilalim ng nasabing ordinansa, inatasan ang City Treasurer’s Office at Department of Assessment na maglabas sa loob ng limang araw ng alituntunin at patakaran ukol sa inaprubahang ordinansa.

Magiging epektibo ang ordinansa sa Enero 1, 2020.

Sinaksihan nila Vice Mayor Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua ng Manila City Council ang paglagda ng alkalde sa nasabing ordinansa.

Magugunitang pinirmahan din ni Mayor Isko ang isang amnesty ordinance na kung saan tuluyang tinatanggal ang penalties, surcharges at iba pang pagkakautang ng mga di nagbabayad na tax payers.

Inaasahang nasa mahigit P1 bilyon ang projected loses ng lokal na pamahalan dahil sa ordinansa, ngunit ayon kay Mayor Isko mas maeenganyo ang mga tax payer na magbayad dahil sa mas pinababang real property tax.

Nanawagan naman si Mayor Isko sa mga taga-Maynila, na huwag na palagpasin ang pagkakataong makapagbayad ng mababang buwis na aniya ay hanggang Disyembre 31 na lamang.