Mayor Belmonte, iimbestigahan ang pangingikil sa restaurant ng kaanak ng isang opisyal sa QC hall

Nangako ang mismong alkalde ng Quezon City na masusing iimbestigahan ang nangyaring pangingikil sa restaurant ng kaanak ng isang opisyal na nakatalaga sa Quezon City Hall.

Sinabi ni Mayor Joy Belmonte, na nalaman niyang nagplano ng entrapment operation ang city planning office at NBI, sa ikaaaresto ng extortionist na si Enrico Morillo.

Si Morillo ay brother-in-law ng head ng Quezon City planning office na si Architect Pedro Rodriguez Jr.

Una nang napaulat na si Morillo ay nagtangkang mangikil ng P175,000 kapalit ng pag-atras sa reklamong may ipis sa kanyang inorder na pagkain.

Anang alkalde, ikinalulungkot niyang sa lungsod naganap ang pangingikil, at kahit na ang umano’y extortionist ay hindi naman empleyado kundi kamag-anak lang ng kawani ng city hall, ay pinaiimbestigahan niya pa rin ang nangyari dahil sa city hall umano aniya tinanggap ang pera hinggil sa ginawang entrapment operation.

Iginiit rin niyang sa Quezon City, walang puwang ang korapsyon at panlalamang sa kapwa.

Kaugnay nito’y umapela si Mayor Belmonte sa mga food establishment na mag-ingat sa mga mapagsamantala, at tiniyak rin niyang makikipagtulungan sa hiwalay na imbestigasyon ng NBI sa naturang insidente.