Mayor Belmonte, binalaan ang mga nag-ooverprice sa presyo ng karneng baboy

Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na imo-monitor ng lokal na pamahalaan ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa lungsod Quezon.

Base sa daily market report ng Quezon City Veterinary Department, itinataas ng mga retailers ng hanggang ₱300 kada kilo ang mga ibene-
bentang pork products na malayo na sa suggested retail price na ₱260 hanggang ₱270 pesos kada kilo.

Ang pagtaas ng presyo ng baboy ay dahil raw sa kakulangan bunga ng epekto ng African Swine Fever sa Luzon at mahigpit na shipment ng live animals mula sa Visayas at Mindanao dahil sa pandemya.

Pinakiusapan na ni Belmonte ang mga pork meat traders at retailers na iwasan ang labis na presyo o huwag mag-overprice sa pork products.

Sabi ng alkalde nabili pa ng mga retailers ang mga pork products sa mga supplier sa tamang presyo, kaya dapat lang aniya na ibenta rin sa tamang halaga.

Siniseguro ng alkalde sa mga taga-QC na babantayan ng LGU ang lahat ng palengke sa lungsod upang maprotektahan ang mga consumer laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Kasama ding imo-monitor ng Market Development and Administration Department ang mga pumapasok na imported at frozen meat products sa mga palengke at groceries.