Mayor Arthur at Rep. Robes ng SJDM, pinalagan ang kasong isinampa sa kanila sa Ombudsman

Pinalagan ng mag-asawang Mayor Arthur at Congresswoman Florida Robes ng San Jose del Monte City, Bulacan ang isinampang kasong murder at frustrated murder laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.

Sa press statement, mariing itinanggi ng dalawang opisyal ang anila’y fabricated o gawa-gawang akusasyong may kinalaman sa pagsabog ng tangke ng SJDM Water District noong taong 2017 na ikinamatay ng apat na residente ng Barangay Muzon at ikinasugat ng maraming iba pa.

Ayon sa mga Robes, wala silang kakayahang gumawa ng isang kaguluhan lalo na ang isakripisyo ang buhay ng kanilang kababayan para lamang sa personal at ambisyong politikal.

Sinagot din ng mag-asawang Robes ang alegasyon ng complainant na si City Councilor Irene del Rosario na sinadya ang pagpapasabog para bigyang daan ang joint venture agreement sa isang bagong water concessionaire sa siyudad.

Giit ni Congresswoman Robes, batay sa umiiral na batas, walang hurisdiksyon ang sinumang elective official sa isang local water district na nasa ilalim ng tinatawag na government-owned and controlled corporation (GOCC).

Naniniwala ang kampo ng mga Robes na ibabasura ng Ombudsman ang kaso laban sa kanila dahil mismong abogado na rin ng complainant ang nagsabing circumstantial evidence lamang ang kanilang basehan na ebidensyang hindi kailanman tatayo sa isang criminal case. | ulat ni Shane Juan