May tsansa para isulong ang peace talks sa mga komunista, pero hindi ngayon – DND Sec. Lorenzana

Paliwanag ng Kalihim, hindi kinukunsidera sa ngayon ang pakikipag-usap sa mga komunista lalo pa’t itinuturing ng pamahalaan na terrorista ang mga New People’s Army o NPA.

May tsansa pa para isulong ang peace talks sa mga komunista, pero hindi sa panahong kasalukuyan.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay ng napag-usapan sa Cabinet meeting ng pangulo kahapon.

Paliwanag ng kalihim, hindi kinukunsidera sa ngayon ang pakikipag-usap sa mga komunista lalo pa’t itinuturing ng pamahalaan na terrorista ang mga New People’s Army o NPA.

Ito’y matapos ang makailang ulit na paglabag sa tigil putukan na ilang ulit na ring pinagkaloob ng pamahalaan sa rebeldeng grupo.

Katunayan aniya, ang misyon ng militar sa ngayon alinsunod sa kautusan ng Pangulong Duterte ay i-degrade ang kapabilidad ng NPA upang hindi na sila maging banta.

Pero sinabi ni Lorenzana na kung magkakaroon ng magandang environment sa pagitan ng magkabilang panig, at kung hindi magiging doble-kara ang mga komunista, ay hindi isinasara ng pamahalaan ang pinto nito sa posibilidad na muling isulong ang usapang pangkapayapaan. | via Leo Sarne