May mga kongkretong hakbang kaugnay sa May 2019 midterm elections – PNP

May mga kongkreto ng hakbang na ginagawa ang kapulisan kaugnay sa May 2019 midterm elections.

Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde.

Aniya, bago pa man i-deputize ng Commission on Elections (COMELEC) ang PNP para sa election duties nito, gumagawa na umano sila ng mga hakbang upang tugunan ang policy-directions na itinakda ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay tumutukoy sa paglansag ng private armed groups, ang masiguro na malinis at kapani-paniwala ang eleksyon, ang ibukod ang kapulisan sa partisan politics at tiyakin ang mga ideal na kundisyon para sa ‘fair and honest
elections.’

Ayon kay Albayalde, pinaigting na nila ang kampanya laban sa Gun for Hire syndicates at Private Armed Groups simula pa nitong Agosto na nagresulta sa neutralization ng walumpu’t dalawang (82) gun-for-hire syndicate members at pagkumpiska ng tatlumpu’t limang (35) armas na may iba’t ibang kalibre, bukod pa sa binabantayan na nila ang mga aktibidad ng may dalawang-daan at labimpito (217) na iba pang grupo na may potensiyal na magamit na private army ng ilang pulitiko.

Sa pagbukod naman ng kapulisan sa partisan politics, sinabi ng PNP chief na may ginagawa na silang administrative actions para dito, gaya ng paglimita ng reorganization at personnel reassignment, partikular ‘yung may kaugnayan sa mga kandidato na lalaban sa national at local elective post.

Maliban dito, nag-atas na rin umano siya sa lahat ng Directors for Integrated Police Operations na i-monitor at gumawa ng kinauukulang hakbang ukol sa election-related incidents at pabilisin ang mas maayos na koordinasyon ng police operations sa iba’t ibang mga regional jurisdiction. | ulat ni Ched Oliva