May likha ng 8chan website na iniuugnay sa US mass shooting, nagtungo sa PNP  

Kinumpirma ni PNP Spokesperson PBrig. Gen. Bernard Banac na nagtungo sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang Philippine-based na may-likha ng 8chan website, na si Frederick Brennan.

Ang 8chan website ay isang message board na iniuugnay sa naganap na mass-shooting sa El Paso, Texas matapos matagpuan ang mga pinost na mensahe ng gunman sa site.

Ayon kay Banac, kasama ni Brennan ang kanyang abogado at nagpahayag ito ng kahandaan na makipagtulungan sa inbestigasyon ng ACG.

Pero sinabi umano ni Brennan na limitado lang ang kanyang nalalaman sa kasalukuyang operasyon ng site dahil ito ay pag-aari na ng ibang tao, na si Jim Watkins.

Una nang inatasan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang ACG na imbestigahan kung may kaugnayan din sa naturang website ang mga lokal na terorista.