May-ari ng Infinity Chan o 8chan website, hinimok ng PNP na lumutang na 

Hinimok ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/Brigadier General Bernard Banac ang may-ari ng Infinity Chan o 8chan website, na pinaniniwalaang nasa Pilipinas, na lumutang na at makipagtulungan sa imbestigasyon ng Anti-Cyber Crime Group (ACG).

Ang 8chan website ay iniuugnay sa “violent extremism”, matapos makita ang mga naka-post na mensahe doon ng gunman sa El Paso, Texas mass shooting.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng ACG kung may ugnayan sa naturang website ang local terrorists.

Una nang humarap sa ACG ang original na may likha ng 8chan website na si Frederick Brennan, na sa Pilipinas din naninirahan.

Pero, sinabi nito na wala na siyang nalalaman sa kasalukuyang operasyon ng site, dahil ibinenta niya na ito sa kanyang dating kasamahang si Jim Watkins.

Kasalukuyang tini-trace ng ACG ang lokasyon ni Jim Watkins, matapos mapag-alaman na wala na ito sa kanyang inuupahang tirahan sa Pilipinas.

Ayon kay Banac, makabubuti kung kusang susuko sa ACG si Watkins, para maibigay niya ang kanyang panig kaugnay ng isyu sa kanyang website.