May-ari ng Chinese boat, kailangang bayaran ang pinsalang idinulot sa Pinoy fishermen

Bagama’t nasisiyahan ang Department of National Defense (DND) sa paghingi ng paumanhin ng may-ari ng Chinese fishing vessel na nakabangga sa Filipino fishing boat sa Recto Bank ilang buwan na ang nakaraan, kailangan ding magbayad ng danyos ang mga ito.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, dapat mabayaran ang 22 napinsalang Pilipinong mangingisda, dahil sa kanilang lost income at ang may-ari ng Filipino fishing vessel dahil sa pagkasira ng kanyang sasakyan.

Nauna ng tinanggap ng Palasyo ang apology ng may-ari ng Chinese fishing boat.

Ito ay ginawa ng may-ari ng fishing boat kasabay ng pagpunta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China, upang magsagawa ng bilateral meeting kay Chinese President Xi Jinping.

Una nang inihayag ng Palasyo, na kasama sa pag-uusapan ng dalawang lider ang ilang mga isyu na may kinalaman sa West Philippine Sea, kasama na ang “aksidente” na nangyari sa Recto bank.