Mati City local gov’t, magbibigay ng suportang pinansyal sa COVID-19 frontliners nito 

Nagpasa ng mga resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Mati City, Davao Oriental para sa dagdag insentibo ng frontliners nito na kasalukuyang lumalaban sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Inihayag ni Mati City Information Officer Ben Tesiorna na ipinasa ng kanilang konseho ang Resolutions Numbers. 95, 96, at 97 kahapon para sa tatlong magkakaibang insentibo.

Ayon kay Tesiorna, ang Resolution No. 95 ay ang pagbibigay ng P10,000 cash incentive kada buwan sa health workers na nagsisilbi sa kanilang alternate care site para sa patients under investigations.

Binigyang-diin ng lungsod na ang “one time special risk allowance” ay karagdagang insentibo para sa public health workers na katumbas ng 25% ng kanilang buwanang sahod sa ilalim naman ng Resolution No. 96.

Bukod pa dito, makakatanggap naman ng P150 kada araw na hazard pay ang mga barangay health worker, public safety, incident management team, Philippine Red Cross at personahe ng City Disaster Risk Reduction Management Office sa ilalim naman ng Resolution No. 97.

Photos courtesy of City of Mati LGU