Matapos palagan, PDEA muling iginiit na sumailalim sa maingat na ‘validation process’ ang isinapublikong barangay ‘narco list’

Muling iginiit ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dumaan sa maingat na proseso ng ‘validation’ ang isinapublikong ‘narco list’ ng mga barangay officials.

Ang pahayag ay ginawa ng PDEA matapos ang napapaulat na pinapalagan ng ilang isinasangkot sa droga ang listahan na inilabas sa media dalawang linggo bago ang Barangay at SK Elections sa May 14.

Una nang binanggit ni PDEA Director General Aaron Aquino na ginawa ang validation ng ‘narco list’ kasama ang Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Council (NICA) at ISAFP o ang Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.

Paliwanag pa ni Aquino na kumuha rin sila ng ‘inputs’ mula sa kanilang regional offices kaya’t mula sa 293 ay naging 207 na lamang ang listahan ng mga sangkot sa illegal drugs kabilang ang siyamnapung (90) barangay chairman at 117 barangay kagawad.

Kaugnay nito, sa pagkakataon na may kamalian sa ulat ay handa naman ang PDEA na muling imbestigahan ang idinadawit na barangay official.

Sa huli, tiniyak ng PDEA na hindi magiging ‘hit list’ ang isinapublikong ‘narco list’. | via Shane Juan