Matapos ang mahigit 2 linggo, Bulkang Taal nag-aalburoto ulit

Muli na namang nagpamalas ang Bulkang Taal sa Lalawigan ng Batangas, matapos ang mahigit dalawang linggong pananahimik nito.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang bulkan ng 107 volcanic earthquakes kabilang ang 100 volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang 30 minuto. Nagtala rin ng anim na low-frequency volcanic earthquakes, isang hybrid event at low-level background tremor na naitala simula noong July 17 ngayong taon.

Kinakitaan din ang bulkan ng upwelling ng mainit na volcanic gas sa lawa ng main crater, na lumikha ng plume na may taas na 3,000 metro bago napadpad sa kalakhang hilaga.

Nagluwa din ang bulkan ng asupre na may 3,849 tonelada, habang ang sukat ng ground deformation ng bulkan ay nakakapagtala ng marahang pag-impis sa isla nito simula noong Abril 2021. Samantalang ang kalakhang Taal ay nakakaranas ng marahang paglawak simula noong 2020.

Nasa ilalim ng Alert Level 2 ang Bulkang Taal, kung saan patuloy ding binalaan ang publiko na bawal ang pumasok sa loob ng Taal Volcano island, dahil sa banta ng phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo, at mapanganib na pagbuga ng volcanic gas.