Matagal ng problema sa pagtatanim ng palay sa Bohol, tutugunan na ng Department of Agriculture — Sec. Manny Piñol

Nangako ang Department of Agriculture na palalaguin ang palay production sa lalawigan ng Bohol.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, bagamat malawak ang agricultural lands sa lalawigan mababa lang ang average production ng palay dahil sa makaluma pa ang pamamaraan ng pagtatanim dito.

Napagkasunduan ng DA at ng local government unit na i-alok sa mga magsasaka ang Production Loan Easy Access program ng Department of Agriculture sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council upang makautang sila ng puhunan.

Nais din ng DA na palawakin ang pagtatanim ng hybrid rice seeds at target na kahit 50 porsiyento ng rice farms sa bawat bayan ay matamnan nito.

Una nang sinubukan ang pagtatanim ng binhi ng hybrid rice sa lalawigan at nakitaan ito ng potensiyal na kayang maka-produce ng higit sa 11 metric tons kada ektarya mula sa kasalukuyang 2.6 metric tons na ani sa bawat ektarya.

Sa susunod na linggo, magtutungo na sa Bohol ang mga kinatawan ng Agricultural Credit Policy Council upang magbigay ng orientation workshops sa mga magsasaka at mga asosasyon at kooperatiba para sa programang pautang.  | via Rey Ferrer