Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang mataas na temperatura sa tubig ang ugat ng fish kill sa Cebu.
Ayon sa BFAR, may 700 kilo ng isda ang nangamatay sa isang palaisdaan sa Cebu City mula Huwebes kabilang na ang mga isdang bangus at tilapia.
Bigla na lamang naglutangan ang mga isda sa palaisdaan sa South Road Properties sa Cebu.
Bunga nito, ipinasuri na ng BFAR ang mga namatay na isda upang makakuha ng posibleng iba pang dahilan ng pagkamatay ng maraming isdang tabang doon.
Bukod-tanging sa nabanggit na lugar lamang nangamatay ang mga isda, gayunman mino-monitor na din ng BFAR ang kundisyon ng iba pang palaisdaan.
Kalimitan nang nangyayari ang pagkamatay ng maraming isda sa mga katubigan dahil sa hindi makayanan ang temperatura sa isang lugar.