Mataas na singil sa kuryente ng Meralco, ikinadismaya na ng mga consumers – Pulse Asia survey

Nagpahayag na ng matinding pagkadismaya ang milyong consumer ng Manila Electric Company dahil sa sobrang taas ng singil sa kuryente.

Batay sa survey ng Pulse Asia na iniulat ni Dr. Ana Tabunda, 84 porsiyento sa Metro Manila ang lubhang nasasaktan sa singil ng Meralco habang 66 porsiyento naman sa pangkalahatan ang dismayado.

Ayon kay Sanlakas Secretary General Atty. Aaron Pedrosa, 82 porsiyento ang pabor sa panibagong electric service provider o electric utility upang tuluyan nang puksain ang pamamayani ng Meralco sa pagbibigay ng kuryente.

Giit pa ng grupo, napapanahon na para tangkilikin ng pamahalaan ang tinatawag na renewable energy na bukod sa ligtas ito sa kalikasan ay magiging mababa pa ang presyo ng kuryente para sa taumbayan.

Noong nakalipas na buwan lamang, huling nagtaas ng singil sa kuryente ang Meralco na umabot sa 31 centavo sa bawat kilowatt per hour.

Nasa 10.19 kada kwh na ang rate adjustment ngayon mula sa dating 9.88 kwh sa nakalipas na buwan.

Bago ito, may nauna nang pagtaas ng singil sa kuryente noong Pebrero 2018.  | ulat ni Rey Ferrer