Mataas na bilang ng mga nagpabakuna sa Manila, naitala

Photo from Manila PIO FB page

Muling nakapagtala ang Lungsod ng Manila ng pinakamataas na bilang ng nabakunahan sa loob ng isang araw.

Sa datos na inilabas ng Manila Local Government, umabot sa 26,028 ang bilang ng nabakunahan sa loob ng isang araw gamit ang Sinovac vaccines.

Umaabot na rin sa 380,155 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa lungsod, kung saan 255,791 ang nabakunahan ng first dose at 124,364 ang nakatanggap ng second dose.

Samantala, muling bumili ang Lokal na Pamahalaan ng Manila ng karagdagang 400,000 doses na Sinovac vaccines na nagkakahalaga ng P298,523,680.

Bukod pa ito sa nauna nilang binili na 800,000 doses na bakuna, kung saan hinihintay na lang nila ang pagdating ng mga nasabing bakuna para magtuloy-tuloy ang ikinakasa nilang vaccination program sa lungsod.

Ngayong araw naman ay sinimulan na ang pagbabakuna sa mga A5 priority group mula District 1 hanggang District 6.