Mass walkout ng U.P. students ngayong araw, rerespetuhin ng PNP

Rerespetuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mass walkout na gagawin ng mga estudyante ng University of the Philippines ngayong araw na ito.

Ang mass walkout ay bilang pagprotesta sa panawagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na pahintulutan silang pumasok sa mga paaralan para mapigilan ang pagre-recruit ng New People’s Army (NPA) ng mga mag-aaral.

Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na malayang magsagawa ng kilos-protesta ang mga estudyante basta’t sila ay hindi lalabag sa batas.

Giit ni Albayalde, ang aktibismo ay bahagi ng demokrasya, pero kung ito ay hahantong sa anarkiya, at karahasan ay obligado ang PNP na itaguyod ang kapayapaan.

Gayunpaman, binigyan-diin ni Albayalde na magsasanay ng maximum tolerance ang mga pulis sa mga makikilahok sa kilos-protesta.

Pakiusap naman ni Albayalde sa mga mag-poprotesta na manatiling mapayapa at huwag manira ng mga pampublikong pasilidad.