Mass testings sa COVID-19, di pa kaya sa kasalukuyan

Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi pa kaya ng pamahalaan na magpatupad ng mass testing sa bansa kaugnay sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Usec. Rosette Vergeire, na kahit na mayroon ng dumating na nasa 100,000 test kits sa bansa, at mayroon pang inaasahang parating, hindi pa rin ito sapat para magsagawa ng mass testing.

Mas makabubuti aniya na matiyak muna ng pamahalaan na mayroong sapat na kapabilidad at supply na ng test kits ang Pilipinas, upang matiyak rin ang efficiency sakaling magsagawa na ng mass testing ang DOH.

Kaugnay nito, sinabi ni Usec. Vergeire, na tinitingnan na rin ng DOH ang mga commercially available na test kits, upang makabili ang pamahalaan. Hindi kasi aniya maaari na umasa lamang sa donasyon ang Pilipinas.

Kailangan lamang muna nilang matiyak, na compatible ito sa mga makina at laboratoryo na mayroon sa bansa.

Tinututukan na rin aniya ngayon ng DOH, ang pagkakaroon ng mga laboratoryo sa ibang panig ng bansa, upang hindi lang sa Metro Manila at Luzon nakaposisyon ang kapabilidad ng DOH laban sa COVID-19.

Sa oras na ma-estabilize na aniya ng DOH ang kanilang laboratories, saka sila magde-desisyon kung magsasagawa ang pamahalaan ng mass testing.