Mas pinalakas na Anti-Terror Law, posibleng maipasa bago matapos ang taon

Posibleng maipasa ang mas pinalakas at mas makapangyarihang Anti-Terror Law ng Pilipinas bago matapos ang kasalukuyang taon.

Minamadali na ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, sa pamumuno ni Senador Panfilo Lacson, ang mga panukalang naglalayong palakasin pa ang mga nilalaman ng kasalukuyang batas laban sa terorismo–ang Human Security Act of 2007.

Sa mga panukalang dinidinig ng komite, mas binibigyan ng karapatan ang mga awtoridad na pag-aralan ang kilos ng mga pinaghihinalaang kalaban ng estado kasabay ng pangangalaga sa mga karapatang pantao ng mga ito.

Kabilang sa mga pangunahing pagbabago na isinusulong ng komite ng Senador ay ang pagtatanggal sa P500,000 na multa kada araw sa mga miyembro ng alagad ng batas at awtoridad na magkakamali sa pagtukoy at pagkulong sa pinaghihinalaang terorista.

Kung babalikan ang mga nagawa ng kasalukuyang batas laban sa terorismo, masyado umano itong mahina kumpara sa mga bantang kinakaharap ng bansa buhat sa mga masasamang elemento. | ulat ni Ched Oliva