Mas mataas na income tax na ipinapataw ngayon ng BIR sa private schools, aayusin ng Kamara

Gagawan ng remedyo ng Kamara ang mataas na income tax na sinisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga pribadong paaralan. 

Batay sa Revenue Regulation 5-2021, mula sa 10% ay itinaas sa 25% ang tax rate ng mga private educational institutions na salungat sa Tax Code na inaamiyendahan sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law. 

Bunsod nito ay magsasagawa ng mga pagdinig ang House Ways and Means Committee ngayong session break para makalikha ng batas laban sa anumang mataas na singil sa buwis na ipapataw sa mga pribadong paaralan. 

Balak itong pagtibayin bago ang pagbabalik-sesyon at maisumite agad sa Senado. 

Una nang nakipagpulong si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa BIR matapos humingi ng tulong sa kanya ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) hinggil sa isyu.

Suportado naman ng BIR na ayusin ang mga kalabuan ng batas para maka-avail ang mga pribadong paaralan ng 1% income tax rate hanggang 2023 at hindi mapanagot ang mga private schools sa regular tax rate na 30% na sinasabi ng BIR na napilitan silang ipatupad dahil sa kautusan ng Supreme Court.