Mas mataas na benepisyo para sa mga uniformed personnel na wounded o killed in action, kasama sa itinutulak

Kasama na rin sa ipinapanukalang Saving the MUP Pension Act of 2021 ni Albay Rep. Joey Salceda ang mas mataas na benepisyo para sa mga military uniformed personnel na wounded o killed in action.

Sa ilalim ng House Bill 9271 ng kinatawan, entitled sa monthly life annuity Death at Total Disability benefit na 50% ng base at longevity pay ang MUP batay sa ranggo nito sa panahon na masawi o maparalisa habang in line of duty.

Habang katumbas naman ng 90% ng base at longevity pay ng “killed in action” na MUP ang magiging battle casualty benefit nito.

Ang MUP naman na kailangan mag retiro dahil sa disability bunsod ng pagkasugat o pagkakasakit in line of duty ay makakatanggap ng dagdag na benepisyo

Depende sa disability rate, maaari itong makakuha ng P2,500 hanggang P10,000 kada buwan. (DISABILITY PENSION: 25% disability rate – P2,500; 50% disability rate – P5,000; 60% disability rate – P6,000; 70% disability rate – P7,000; 80% disability rate – P8,000; 90% disability rate – P9,000 at 100% disability rate – P10,000)

Pagbibigay diin ni Salceda, kailangan na magkaroon ng reporma sa pension system ng MUP dahil nasa P9.6 Trillion ang financial obligations ng mga kasalukuyang active personnel na katubmas ng kalahati ng GDP ng bansa.

Ilan pa sa probisyon ng panukala ang mandatory contributions na paghahatian ng empleyado at gobyerno. (5% employee – 16% national government share sa unang tatlong taon, 7% employee – 14% national government share sa susunod na tatlong taon at 9% employee – 12% national government share sa mga susunod na taon.)

Ipatitigil na ang indexation o adjustment sa pensyon na siya namang i-re-review periodically at maaaring i-adjust hanggang sa maximum na 1.5%

Itatakda na sa 56 taong gulang ang pensionable age ng mga MUP kahit ilang taon pa ang serbisyo nito.

Bubuo rin ng isang MUP Retirement Fund Authority na pamumunuan ng bagong entity bilang administrator at ang Government Service Insurance System naman ang magsisilbing fund manager.

Maaari naman pagkunan ng pondo para sa MUP pension ang pagbebenta o pagpaparenta ng mga assets ng MUP at national government tulad ng Manila Bay reclamation at iba pang identified na assets.

Ang HB 9271 ay kapalit ng naunang HB 8593 na inihain ni Salceda noong Pebrero kasunod ng konsultasyon kasama ang Department of Finance, Bureau of the Treasury, Social Security System, Government Service Insurance System at PAG-IBIG.

Suportado naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang panukala at lumiham pa mismo kay Speaker Lord Allan Velasco para isulong ito sa Kamara.