Mas malalang trapiko sa Metro Manila ngayong holiday season, asahan na – MMDA

Binalaan na ng pamunuan ng MMDA ang publiko hinggil sa mas malalang daloy ng mga sasakyan sa EDSA at sa ibang kalsada sa Metro Manila sa pagsapit ng holiday season.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, na dapat nang asahan ang mas mabigat na trapiko sa mga kalsada sa holiday season, dahil base sa kanilang datos, ngayon pa lang na regular days ay aabot na sa 19.30/kph ang bilis ng travel time sa EDSA, na kung ikukumpara noong mga nakaraang taon ay nakukuha lang tuwing panahon ng Kapaskuhan.

Punto ng tagapagsalita, ilan sa mga sanhi nito ay ang mga regular na problema sa kalsada, gaya ng vehicular accidents na papalo sa 42 on average kada araw, 77 na chokepoints sa kahabaan ng EDSA, kabilang ang bus stops, intersections at mga mall, gayundin ang volume o dami ng mga sasakyan na dumaraan sa nasabing highway.

Parte din aniya ng problema, ay ang mga under repair at ongoing construction sa iba’t ibang mga tulay at lugar sa buong Metro Manila.

Pero nilinaw naman ng opisyal, na sa oras na maisakatuparan ang mga major road project ng pamahalaan, tiyak ang paggaan ng trapiko sa EDSA, at iba pang kalsada sa Kalakhang Maynila.