Maiksing rehab period ng LRT2, inaasahan

Inaasahan ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe na mas mapaaga ang pagbabalik-normal ng operasyon ng Light Rail Transit Line 2 o LRT 2.

Ito ay matapos sabihin ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na nagsasagawa na sila ngayon ng masinsinang pagsusuri para maisaayos ang nasira nilang substations.

Sa ginawang pagpupulong ng technical working group (TWG) ng ilang ahensya ng gobyerno sa senado kahapon upang masolusyunan ang traffic sa Metro Manila, sinabi ni LRTA Deputy for Operation and Engineering, Dr. Paul Chua, na posibleng mas maaga sa inaasahang siyam na buwan ang panahon ng pagsasaayos nila ng tatlong substation na nasunog.

Paliwanag ni Chua, ang una nilang pahayag na maaaring abutin ng siyam na buwan ang repair ay nakabase sa worst-case scenario.

Sa ngayon aniya ay nakatukoy na sila ng 189 na bahagi ng kanilang substations na nasira ng sunog, at sa ngayon ay labing isang bahagi na lamang ang wala pang replacement.

Bukod rin aniya sa tulong mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Angkas, nangako na rin aniya ang ride hailing app na Grab na tutulong sa mga commuter na naapektuhan ng limitadong operasyon ng LRT 2, sa pamamagitan ng paniningil ng P25 lang mula Santolan hanggang Recto, gaya ng pamasaheng sinisingil ng LRT.

Giniit naman ni Senator Grace Poe, na babantayan nila ang rehabilitasyon ng LRT at matapos ang repair na ito ay inaasahan nilang magkakaroon ng mas komprehensibong plano ang pamunuan upang mapaganda at mapalawak ang kanilang serbisyo.