Mas mahigpit na patakaran sa pagpasok sa Subic Bay Freeport Zone, ipinag-utos ng Pangulong Duterte

Nais ng Malacañang ng mas mahigpit na patakaran sa pagpasok ng mga dayuhang bisita sa Subic Bay Freeport Zone.

Dahil na din ito sa tiyak na pagdagsa ng mga turista dulot ng inaasahang pagbubukas nito sa mga cruise ships sa 2019.

Sa pamamagitan ng Executive Order no. 72, inaamyendahan nito ang EO no. 271 series of 1995 na may kinalaman sa pagpasok at pananatili ng mga dayuhan sa Subic Bay Freeport Zone.

Batay sa isinasaad ng EO 72, kinakailangang makapagpakita ang mga dayuhang negosyante ng kanilang pasaporte, Certificates of Identity o travel documents na may validity ng anim na buwan o mas mahaba pa, pati na rin ang confirmed flight o ticket sa barko.

Itinatakda din ng kalalagda lang na EO na kailangan ding sa subic freeport ang exit point ng mga pumasok ditong turista at dayuhang negosyante sa halip na sa ibang paliparan o pier sa bansa.

Tuwiran namang inatasan ng Pangulong Duterte ang Bureau of Immigration na mahigpit na ipatupad ang bagong direktiba alinsunod sa inaasahang pagdagsa ng cruise ships sa bansa sa susunod na taon.

Nilagdaan ng Pangulong Duterte ang EO 72 nito lamang Disyembre 18.  | ulat ni Alvin Baltazar