Mas mahigpit na minimum public health standards implementation, pinatitiyak ng IATF

Ipinag-utos ng Inter-agency Task Force (IATF) ang pagpapaigting pa ng implementasyon ng engineering at administrative controls, lalo na ang ventilation standards at mga hakbang laban sa mga gathering o pagkukumpulan o pagtitipon-tipon ng mga indibidwal.

Sa ilalim ng IATF Resolution 113-A, pinatitiyak ng pamahalaan na nasusunod ang strict implementation ng minimum public health standards sa lahat ng lugar, lalo na sa mga high-risk area. Kabilang dito ang healthcare facilities, wet markets, supermarkets, government offices, workplaces, maging sa mga tahanan.

Ipinag-utos rin ng IATF ang implementasyon ng mga localized community quarantine, maging ang pagpapabilis ng pagtukoy sa quarantine facilities sa mga critical area na may community transmission. 

Kinakailangan din, may agarang facility-based isolation sa lahat ng mga returning citizen, suspected, at probable cases.

Habang inaatasan din ng IATF ang mga lokal na pamahalaan, na ipagpatuloy ang pamamahagi ng personal protective equipment at ang tamang waste management.