Mas mahigpit na border control, panawagan ng ilang mambabatas

Pinahihigpitan ng ilang mambabatas ang ipinapatupad na border control sa bansa.

Ayon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, kahit mapapababa ang local transmission ng COVID-19 sa bansa, kung hindi maghihigpit ng border control sa mga papasok ng Pilipinas ay mananatili ang banta ng sakit.

Inihalimbawa nito ang bansang China kung saan, iisang paliparan lamang ang bukas para sa international passengers o sino mang papasok sa bansa.

Bukod pa ito sa mahigpit na quarantine measure sa mga dumating na indibidwal.

“Ang ginawa ng China, napaka higpit. Isang airport lang ang pagdating. Tapos mayroon 14 days, may 21 days (quarantine). Paglipat nila sa probinsya nila, another 14 days. Pero kinakausap nila. ‘Pasensya na talaga kayo. Alam namin mahirap etc. pero kung pwede kayo na lang ang mahirapan kaysa sa yung buong bansa. So we have to look at our entry and exit points not only by airplane. Sa south meron din from Malaysia, yung BaSulTa area. And then yung mga OFWs at Filipino travelling,” saad ni Cayetano.

Ayon naman kay Albay Rep. Joey Salceda, mas mainam pa rin ang boarder control kaysa sa pagpapatupad ng lockdown.

Paliwanag nito, magiging epektibo lamang ang lockdown kung ang bawat kabahayan ay magkakaroon ng home immunity o 70% ng nakatira dito ay bakunado na.

“Ang sabi ng OCTA may 2000 na Delta. So ang kailangan gawin diyan is, boarder control. Huwag niyo palabasin ng Metro Manila at Calabarzon. Boarder control is more important actually than a lockdown. Ang lockdown, is base sa recent experience, the answer there is home immunity,” paliwanag ni Salceda.