Mas madaling proseso ng quarantine, itutulak ng DOLE sa fully vaccinated na OFWs

Iminungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Inter-Agency Task Force (IATF), na bawasan ang quarantine period para sa mga bakunadong overseas Filipino worker (OFW) na uuwi sa bansa.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, susubukan niya na isulong na kung maaari na ang mga OFW na bakunado ay mabawasan ang quarantine period.

Sa kasalukuyan, 10 araw ang quarantine period sa mga OFW at isasailalim sa swab test sa ika-pitong araw.

Maliban dito, kailangan pang mag-home quarantine ang mga ito sa loob ng apat na araw.

Plano ni Bello, na pababain sa pitong araw ang quarantine period para sa mga OFWs.

Una nang pinayagan ng gobyerno ang 5-day quarantine sa mga bakunadong biyahero, ngunit hindi kasama rito ang mga OFW.