Mas mabilis na proseso ng pagbabakuna sa COVID-19 vaccination sites, ipinanawagan

Ipinanawagan ni Senador Panfilo Lacson na gawing mas mahusay at mas mabilis ang proseso ng pagbabakuna sa COVID-19 vaccination sites.

Ito aniya ay bilang isang tugon na rin sa nangyayaring ‘vaccine slot for sale’ o ang modus ng pagbebenta ng mga slot para agad na maturukan ng COVID-19 vaccine ang isang indibidwal, bukod pa aniya yan sa pag-aresto ng mga sangkot sa naturang modus.

Sinabi ni Lacson na bagama’t kailangang panatilihin pa rin ang 15-minute post vaccination monitoring ng mga nababakunahan kontra COVID-19, maaaring alisin na aniya sa proseso ang ginagawang mga pre-screening dahil ito ang nagiging pangunahing dahilan ng pagtatagal ng proseso.

Aniya, ang mga isyu gaya ng hypertension at allergies ay natutugunan na sa mga form na minamandatong pasagutan sa mga magpapabakuna kaya hindi na aniya kailangan ng pre-screening process.

Paliwanag ng senador, kapag nagtatagal sa pila ang mga magpapabakuna ay maaaring doon pa sila mahawa ng virus.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat ring tiyakin ng mga otoridad na ang mga impormasyon na hinihingi sa mga form na sinasagutan online ay hindi na uulitin sa mga form na pinasasagutan on-site kasabay rin yan ng pagsisiguro na madaling maunawaan ang mga tanong dito.