Martial Law victims, iginiit sa Sandiganbayan na agad maglabas ng arrest warrant laban kay Imelda Marcos

Nais ng grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detention at Aresto (SELDA) na makulong na agad si Dating Unang Ginang Imelda Marcos kasunod ng guilty verdict na hinatol ng Sandiganbayan 5th Division sa kanyang kasong graft.

Ito ang bukambibig ng militanteng grupo na nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Sandiganbayan sa Commonwealth Ave., Quezon City.

Ayon kay SELDA Chairperson Trinidad Herrera-Repuno,dapat arestuhin agad at ipasok sa bilangguan si Mrs. Marcos para mapanagot sa kanyang kasalanan.

Hindi rin nila nagustuhan ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, matapos sabihin nito na kailangang ikunsidera ang edad ng unang ginang kaya hindi nila agad maaresto.

Aniya, habang kinukonsidera ni Albayalde ang edad ng dating unang ginang, nagawa pa nito na dumalo sa birthday party ni Mayor Inday Sara Duterte.

Giit pa ng Martial Law victims, kung hindi magagawa ng Sandiganbayan ang pagpapakulong kay Mrs. Marcos sa kabila ng guilty verdict nito, mawawalan ng tiwala ang mamamayan sa anti-graft court. | ulat ni Rey Ferrer