Martial Law, naging epektibo sa pagpigil ng pambobomba sa Mindanao – AFP Chief Madrigal

Naging epektibo ang martial law sa Mindanao sa pagpigil ng mga pambobomba dito, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal.

Sa kabila ng ilang mga insidente ng pagpapasabog na naganap sa lugar, sinabi ni Madrigal na mas marami pang tangkang pagpapasabog ang napigilan ng security forces dahil sa umiiral na batas militar.

Kaya kailangan pa aniyang palawigin ito, sa gitna ng mga ulat ng pagpasok ng mga dayuhang terorista sa bansa gamit ang back door.

Sinabi ni Madrigal, na magiging malaking hamon para sa lahat ng security forces na pigilan ang pag-atake ng mga terorista kung walang martial law sa Mindanao.

Binigyang diin ni Madrigal, na sa kampanya kontra terorismo mahalaga rin ang community involvement.

Ito’y para magkaroon ng “situational awareness” ang security forces sa mga banta sa isang lugar, upang hindi na maulit ang katulad ng nangyari sa Marawi. | ulat ni Leo Sarne