Market vendors at tricycle drivers sa Taal, Batangas, isusunod sa COVID-19 vaccination

Unti-unti ng bumabalik ang sigla ng economic activities sa bayan ng Taal sa Batangas, matapos ang volcanic eruption noong nakaraang taon at sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ayon kay Taal Mayor Pong Mercado, bubuksan na ang lahat ng gate sa palengke upang maayos na makapamili ang mga tao, basta masusunod ang minimum health standards.

Nag-order na rin ang lokal na pamahalaan ng COVID-19 vaccine, na inaasahang darating sa July at August kung saan prayoridad na mabakunahan ang mga nagtatrabaho sa pamilihan at mga tricycle driver.

Sa ngayon, ginagamit ng local government ang bakuna mula sa national government para sa senior citizens at persons with comorbidity, bagamat naghihintay pa ng karagdagang suplay.

Ikinuwento naman ng dried fish vendor na si Christian Patolot, na nagsisibalikan na ang mga turistang nais mabisita ang tanyag na Basilica of St. Martin De Tours, at kahit paano ay bumabangon na ang kanilang negosyo.

Upang maengganyo ang mga turista, ay boluntaryong nag-aalok ang grupo ni Patolot ng pagkuha ng larawan nang walang hinihinging kapalit.

Pinapayagan na aniyang bumisita sa simbahan ang mga pamilya na may kasamang bata, maliban lamang kapag may banal na misa dahil sa umiiral na age restriction.