Maritime patrols sa West Philippine Sea, magpapatuloy

Hindi ititigil ng Pilipinas ang pagsasagawa ng mga maritime patrols sa West Philippine Sea.

Ito ang idineklara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos na manawagan ang China sa Pilipinas na tigilan ang mga aktibidad sa pinag-aagawang karagatan na maaaring makasama sa sitwasyon.

Giit ni Lorenzana, “walang alisan” ang mga patrol ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Kalayaan Island group at sa West Philippine Sea.

Aminado ang kalihim na mas malakas ang China sa Pilipinas, pero hindi aniya nito matitinag ang determinasyon ng Pilipinas na itaguyod ang kanyang pambansang interes.

Pinalawig ng Pilipinas ang pagpapatrolya sa karagatan matapos na iulat ang presensya ng mahigit 200 barko ng Chinese Maritime militia sa iba’t ibang lugar sa loob ng Exclusive Economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea simula noong Marso.

Tuloy tuloy din ang paghahain ng Department of Foreign Affairs ng Diplomatic protest sa patuloy na presensya ng mga barko ng China sa EEZ ng bansa.