MARINA, sinimulan na ang domestic ship modernization

Sinimulan na ng Maritime Industry Authority o MARINA ang domestic ship modernization program sa pamamagitan ng information campaign sa Batangas City.

May 80 motorbanca owners na sa Region 4 ang sumailalim sa oryentasyon ng MARINA, Development Bank of the Philippines Leasing Corporation at Department of Finance.

Partikular na tinalakay sa kanila ang tungkol sa kahalagahan ng pag-upgrade ng mga motorbancas na yari sa kahoy tungo sa pagiging bakal, aluminum, o fiber-reinforced plastic boats.

Ayon kay MARINA Domestic Shipping Service Director Sonia Malaluan, ang motorbanca modernization ay unang bahagi ng domestic ship modernization program ng MARINA.

Upang higit pang matulungan ang mga may-ari ng motorbanca, pagkakalooban pa sila ng mga insentibo at tutulungang makabuo ng mga kooperatiba na mag-aalok ng karagdagang suportang pinansiyal sa panahon na ipinatutupad ang programaT

Tiniyak pa ng MARINA na ipagpapatuloy nila ang information campaign sa iba’t ibang lalawigan sa bansa na layong linawin ang isyu ng nilalaman ng programa. | Ulat ni Rey Ferrer