MARINA, planong paigtingin ang modernisasyon ng mga barko sa Pilipinas

Planong paigtingin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang modernisasyon ng mga barko sa bansa upang matiyak ang mas ligtas at maginhawang pagbyahe sa dagat ng publiko.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Arthur Tugade, planong himukin ng MARINA ang mga operator ng mga barko partikular na ang mga nagpapatakbo ng RoRo.

Titiyakin din ng ahensya na sumusunod ang mga operator sa mga insurance coverage para sa mga pasahero at plano rin nitong magsagawa ng nationwide awareness campaigns tungkol sa modernisasyon ng mga barko sa bansa.

Inanunsyo rin ng MARINA na hindi papayagang makapag-renew ng kanilang Certificate of Public Conenience (CPCs) ang mga operator ng barkong gawa sa kahoy.

Kailangan din umanong mayroong mga lifesaving equipment gaya ng life-jacket sa mga barko para sa mga pasahero.

Samantala, plano naman i-implement ngĀ  MARINA at Philippine Ports Authority (PPA) ang electronic passenger ticketing system bago matapos ang taong 2019.

Bahagi ang nasabing modernisasyon ng mga barko sa bansa ng 10-year Maritime Industry Development Plan ng MARINA na layuning pag-ibayuhin ang transportasyon ng mga pasahero, serbisyo at produkto.