MARINA, mga ahensya ng pamahalaan, bubuo ng national task force vs pagdami ng invasive species sa karagatan

Nagsagawa ng pagpupulong kahapon ang Maritime Industry Authority (MARINA) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang talakayin ang mga masamang epekto ng pagdami ng mga invasive species sa mga karagatan ng bansa.

Sa ginanap na National Workshop at Taskforce meeting on GloFouling Partnership Project, nagpulong-pulong ang mga mananaliksik, eksperto, environment managers at iba pang stakeholders.

Tinalakay sa nasabing pagpupulong, kung paano iresolba ang aquatic invasive species na kumakapit sa ilalim ng mga barko na kalaunay nadadala sa bansa o mas kilala sa tawag na biofouling.

Ayon sa pulong, kailangan magkaisa ng mga ahensya upang makabuo ng solusyon na makapipigil sa negatibong epekto ng invasive species sa biodiersity at kapaligiran

Ang mga invasive species ay maaring halaman, hayop, pathogens at organismo, na hindi nagmula sa isang ecosystem na maaaring magdulot ng pinsala sa kapaligiran at maaaring maging dahilan ng pagkaubos ng mga indigenous species sa bansa.

Kabilang sa mga kinatawan ng pamahalaan sa ginanap na pagpupulong ay mga opisyal galing sa DOTr, DFA, PCG, Philippine Ports Authority, MARINA, DENR, BFAR, University of the Philippines at Asian Development Bank.