Marawi Siege, hindi mauulit sa panunungkulan ng bagong AFP Chief

Tiniyak ng bagong talagang Armed Forces of the Philipines (AFP) Chief of Staff na si Lt Gen. Benjamin Madrigal na hindi niya hahayaan na magkaroon ng panibagong Marawi Siege sa kanyang panunungkulan.

Ayon kay Madrigal, ibubuhos ng AFP ang kanilang buong pwersa para tuldukan ang paghahasik ng kaguluhan ng mga rebelde at terorista.

Kasabay nito ang pagbibigay ng AFP ng buong suporta sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies sa pagsugpo ng droga at kriminalidad.

Sa kanyang pag-upo bilang ika-51 chief of staff ng AFP, nagpasalamat si Madrigal sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng Pangulo.

Pinasalamatan din ni Madrigal ang kanyang pinalitan na si dating AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr., at si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Ayon kay Madrigal, ang kanyang pormal na pag-upo sa pwesto kahapon ay naging dobleng makahulugan dahil kasabay ito ng pagdiriwang ng AFP ng kanilang ika-83 anibersaryo.  | ulat ni Leo Sarne