Mapo-protektahan ang karapatang pantao sa mas maigting na kampanya kontra droga, krimen at insurgency – Palasyo

Nakikiisa ang Palasyo ng Malacañang sa pagdiriwang ngayong araw ng Universal Declaration of Human Rights.

Sa inilabas na statement ni Executive Secretary Salvador Medialdea, sinabi nitong sa bawat administrasyon ay may iba-ibang pagbibigay-diin sa usapin ng karapatang pantao.

Sa ilalim aniya ng Duterte Administration, inihayag ni Medialdea na ito’y nakaakma sa tema ng pagdiriwang ngayong taon na “ Protecting Human Lives, Uplifting Human Dignity and Advancing People’s Progress.”

Kaugnay nito’y binigyang diin ng Palasyo na mas mapangangalagaan ang karapatang pantao ng mga inosenteng indibdwal sa paraang mas paigtingin pa ang kampanya ng gobyerno hindi lamang sa ipinagbabawal na gamot, kundi sa kriminalidad, korapsiyon, insurgency at iba pa.

Pagtiyak din ng Malacañang, determinado ang pamahalaan na maiangat ang pamumuhay ng bawat Pilipino at ang pakikiisa ng Pilipinas sa pagdiriwang ng Universal Declaration of Human Rights ay naka-angkla sa tunay na pangangailangan ng bawat indibidwal. | ulat ni Alvin Baltazar