Manila Mayor Joseph Estrada, inilabas na ang All-Star “Air-Rap” na sapatos para sa mga batang Manileño

Hindi papahuli ang Lungsod ng Maynila pagdating sa gimik para sa mga estudyante.

Inihayag na kasi ni Manila Mayor Joseph Estrada ang panibago nitong suporta para sa mga pampublikong paaralan ng Maynila.

Ito ay ang Erap All Star shoes pero kinikilala ngayon sa social media na “Air-Rap” All Star shoes.

Ayon kay Estrada ito ang kanyang regalo sa mga mag-aaral ng Maynila ngayong darating na pasukan.

Ang Air-Rap All Star ay idinisenyo kahalintulad ng kilalang Chuck Taylor Converse shoes.

Kasabay nito ay hinimok din ni Estrada ang mga estudyante na mag-aral ng mabuti para sa maganda nilang kinabukasan at sinabing umaasa siya na balang araw ay mga ito ang magiging susunod na lider ng lungsod at ng bansa.

Matatandaan naman na una nang naglabas ng sapatos ang ibang lungsod para sa kani-kanilang mga estudyante.

Ito ay tinaguriang Air Binay 1 ng Makati na hango sa sapatos na Air Jordan 1 at ang Manda Mentality ng Mandaluyong na hango naman sa sapatos na Mamba Mentality ng basketball star na si Kobe Brayant. | via Lorenz Tanjoco