Manhunt sa mga NPA na nagpasabog ng landmine sa Masbate, ipinag-utos ni PNP Chief

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang Bicol-PNP na makipag-coordinate sa militar para sa manhunt operations laban sa New People’s Army (NPA) na responsable sa pambobomba sa Barangay Anas, Masbate City kahapon ng umaga.

Sa naturang insidente nasawi si Keith Absalon, 21, isang football player na estudyante ng Far Eastern University (FEU), at ang kanyang pinsan na kinilala lang bilang Nolven, habang sugatan ang isang menor de edad na sibilyan.

Batay sa mga ulat na nakarating sa Camp Crame, nagbibisikleta lang sa lugar ang mga biktima nang magpasabog ng landmine ang NPA sa tabi ng kalsada.

Mariing kinondena ni PNP Chief Eleazar ang pag-atake ng mga teroristang NPA sa mga ordinaryong sibilyan, kasabay ng pagpapaabot ng kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.

Ipinag-utos din ni Eleazar sa mga local Police commanders na paigtingin ang Police visibility sa kanilang nasasakupan para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga sibilyan.