Empleyadong apektado ng community quarantine, dapat bigyan ng cash assistance 

Hinihikayat ni Senator Risa Hontiveros ang pamahalaan na bigyan ng P10,000 cash assistance ang mga manggagawang apektado ng ipinapatupad na community quarantine sa buong Metro Manila, dahil sa  coronavirus  disease (COVID-19).

Ayon kay Hontiveros, nasa 650,000 pamilyang Pinoy ang maghihirap dahil sa epekto sa ekonomiya ng community quarantine.

Marami na kasi aniyang mga kumpanya ang naglalay-off ng kanilang mga empleyado bilang pag-iingat sa sakit.

Aniya, habang ang iba ay nagpa-panic buying, ang mga pamilyang ito ay nagpa-panic lang at walang pang-buy.

Maging ang mga mahihirap na pamilya na sakop ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) household targeting system, ay dapat ring mabigyan ng parehong cash assistance ayon sa senator.

Bukod dito, hinimok rin ni hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) at DSWD, na bumuo ng komprehensibong safety net para sa mga mahihirap, at iba pang apektado ng COVID-19 community quarantine.

Magiging malaking tulong aniya ito, sa inaasahang inflation o posibleng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.