Mandatory vaccination, hindi solusyon kontra tigdas – Palasyo

Kasunod ng pagdedeklara ng measles outbreak sa NCR at iba pang rehiyon sa Luzon at Visayas, sinabi ngayon ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi pinaplano ng pamahalaan na magpatupad ng mandatory vaccination.

Ayon kay Nograles, mas maigi pa ring solusyon ang pagpapaigting ng Department of Health (DOH) sa kanilang immunization program, dahil posibleng makwestiyon pa sa korte kung ipatutupad ang sapilitang pagpapabakuna.

Malaking tulong rin aniya kung magiging involved na ang mga Local Government Unit (LGu) sa panghihikayat sa mga magulang, na tangkilikin ang vaccination program ng pamahalaan.

Kaugnay nito, sinabi ni Nograles na tutulong na rin ang Presidential Communication Operations Office (PCOO) sa pagpapakalat ng impormasyon, upang magtagumpay ang pamahalaan na ilayo ang publiko sa mga sakit na kaya namang iwasan dahil sa bakuna. | ulat ni Racquel Bayan