Mandatory training para sa mga bibili ng motor, isusulong ng PNP-HPG sa Kongreso

Isusulong ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Kongreso ang paglikha ng batas na mag-oobliga sa mga bibili ng motor na sumailalim sa mandatory training.

Paliwanag ni PNP-HPG Director Arnel Escobal, ito’y dahil sa malaking bilang ng mga naitalang aksidente na kinasasangkutan ng mga motor.

Batay sa datos ng HPG noong 2017, umabot sa 9,000 ang mga naitalang aksidente sa motor.

Ayon kay Escobal, maaaring mabawasan ang bilang na ito kung mayroon lang sapat na training ang mga nagmomotorsiklo dahil human error ang kalimitang sanhi ng aksidente.

Dagdag ni Escobal, sa ngayon ay kahit walang lisensya ay maaaring makabili ng motor.

Kaya ang mungkahi ng HPG ay bigyan ng libreng training ang mga bibili ng bagong motor tulad ng training na iniaalok ng HPG sa mga rider ng mga restaurant na may delivery service. | Ulat ni Leo Sarne