Mandatory drug testing para sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan sa QC, aprub sa mga bagong halal na SK official

Suportado ng lahat ng bagong halal na Sangguniang Kabataan officials sa Lungsod Quezon ang mandatory drug testing para sa kanilang hanay.

Nais ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na tumatayong chairperson ng QC Anti-drug Abuse and Advisory Council na maging drug free ang lahat ng SK Officials bago manungkulan.

Sa ginanap na SK Drug Education Prevention Program sa lungsod, ipinaliwanag pa ni Belmonte ang kahalagahan ng pagiging ligtas sa iligal na droga ng isang barangay upang ituon na lang ang maayos na serbisyo sa mamamayan.

Ang QC ang kauna-unahang LGU sa buong bansa na nagpatupad ng maayos na sistema sa kampanya kontra iligal na droga at tinutularan ng ibang lokal na pamahalaan.

Hiningi din nito ang kooperasyon ng SK officials para tulungan ang street children na lulong sa droga at dalhin sa Outreach Drop-In Center Bahay Pangarap sa Novaliches, Quezon City at sa Special Drug Education Center para sa rehabilitasyon.

Sa 16,000 drug surrenderees sa QC, 12,600 sa kabuuang bilang ang nasa profile na ng QCDAAC at isang porsiyento dito ay kabataan.

Mahigit na sa 10 kabataan ang grumadweyt sa Community Base Rehabilitation Program mula sa kabuuang bilang na 3,000 surrenderees at nabigyan na ng trabaho sa tulong ng iba’t ibang business partners tulad ng MRT-7. | ulat ni Rey Ferrer