Mandaluyong LGU at San Juan LGU, pinaiimbestigahan na ang COVID-19 vaccine for sale sa kanilang lungsod

Kapwa inatasan nina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at San Juan City Mayor Francis Zamora ang kanilang mga pulis na tukuyin ang mga taong nagbebenta ng slot para sa COVID-19 vaccine. 

Ang aksyong ito ng dalawang alkalde ay bunsod na rin ng mga post sa social media na kanilang natanggap kaugnay sa bentahan ng slot ng mga bakuna. 

Sa magkahiwalay na press statement nina Abalos at Zamora, pareho nilang kinondena ang modus na ito lalo pa at libreng ipinamimigay ang bakuna kontra COVID-19. 

Libre din daw ang registration para sa mga nais magpabakuna basta magparehistro online sa mismong website ng kanilang mga lokal na pamahalaan. 

Bukod sa imbestigasyon ng mga pulis, inatasan din ni Abalos ang kanyang hepe na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation Cyber Crime Division para tukuyin ang nagbebenta ng vaccine slot sa social media.