Mambabatas na nagsusulong sa house-to-house vaccination, nadagdagan pa

Nanawagan na rin si Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo sa Inter-Agency Task Force at Department of Health na magsagawa ng house-to-house vaccination.

Ayon sa mambabatas, kasabay ng mas maraming COVID-19 vaccine na dumarating sa bansa, ay ang pagpapabilis naman dapat ng inoculation process.

Maaari aniya tumulong ang mga local government unit na magbahay-bahay para ipaliwanag maigi sa mga residente ang kahalagahan ng pagpapabakuna at doon na isagawa ang vaccination.

Diin ni Castelo, karamihan sa mga hindi pa nabakunahan ay hindi naman talaga takot sa bakuna bagkus ay may alinlangan lamang na pumunta sa vaccine sites dahil baka mahawa ng virus.

Katunayan, nang pahintulutan ang pagbabakuna sa mga village at subdivision ay marami sa mga residente ang pumunta at nagpabakuna.

“We can speed up vaccination and achieve herd immunity and return to normal life at the soonest possible time if we do immunization through home-to-home visits and other means to get our people to take the vaccine” diin ni Castelo.