Mambabatas, itinutulak ang random drug testing sa mga Brgy at SK officials

Isang buwan bago ang Brgy at SK elections ay hinimok ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) na agad magsagawa ng random drug testing sa mga incumbent Brgy officials, alinsunod na rin sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Katwiran ng mambabatas, mahalagang matukoy ngayon palang kung may mga opisyal ba ng Brgy na gumagamit ng iligal na droga, upang magabayan ang taumbayan sa kanilang dapat at hindi dapat na iboto sa paparating na halalan.
Ayon kay Salo, dapat na gawing prayoridad sa drug testing ang mga opisyal na nauna nang napabilang sa drug watchlist ng Philippine National Police (PNP).
Kailangang ilathala rin umano agad ang magiging resulta ng naturang drug testing, at sakaling may magpositibo sa iligal na droga, apela ni Salo sa Comelec ay agad idiskwalipika ang naturang opisyal. | via Merry Ann Bastasa