Mambabatas, hiniling sa PCOO na isama sa COVID-19 info drive ang mga kwento ng dinanas ng mga tinamaan ng virus

Nanawagan si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Presidential Communications Operations Office na palakasin pa ang information drive nito sa gitna ng pagkakadiskubre ng bagong variant ng COVID-19.

Ayon kay Ong, kailangan dagdagan ang information collaterals, social media, leaflets, flyers at TV and radio infomercials.

Aniya, bukod sa numero at mga statistic dapat ay samahan rin ito ng salaysay at mukha ng paghihirap na maaaring danasin ng isang COVID positive.

Tinukoy ng mambabatas na marami pa ring Pilipino ang ipinagsasawalang-bahala ang minimum safety protocols na parang wala lamang ang virus.

Isa na nga rito ang pagdagsa ng mga nag-swimming sa isang resort sa Caloocan City.

Naniniwala si Ong na kung ma-visualize o makikita ng publiko ang hirap na dinaranas ng mga tinamaan ng COVID ay hindi malayo na mas seryosohin ng publiko ang pag-iingat sa sakit.

“Some people I know who lived to tell their ordeal told me the indescribable pain that they had to suffer. They can feel their lungs collapsing as they try to struggle to breathe. Parang meron daw truck na nakadagan sa dibdib mo sa sobrang sakit. We have to share these stories in a manner that people will have a self-realization that taking the risk for non-essential activities like going to pool parties or biking on big pelotons could put you or your loved ones in extreme pain and even death.” saad ni Ong.