Mambabatas, hiniling na irekonsidera ng pamahalaan ang pagsasailalim ng NCR at kalapit lugar sa ECQ

Umapela si House Deputy Speaker Bernadette Herrera sa pamahalaan na irekonsidera ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa NCR.

Diin ng mambabatas, ang Metro Manila ang financial at economic center ng bansa at ang pagsasailalim sa ECQ ay posibleng magdulot na naman ng dagok sa ating ekonomiya.

Bukod dito, wala pa rin aniyang pondo na pagkukunan ng ayuda para sa mga apektadong negosyo at kabahayan.

Tinukoy ni Hererra na batay sa pahayag ni NEDA Dir. Gen. Karl Chua, kada linggo ng ECQ sa NCR ay magdudulot ng economic loss na P105 billion.

Imbes aniya na magpatupad ng metro-wide lockdown, ay himukin na lamang ng gobyerno ang pagbabawal sa non-essential activities at paglimita sa paglabas ng mga may comorbidities.

Ayon sa kinatawan, batay sa datos, halos 100% ng nagkakasakit sa COVID-19 ay nakaka-recover, at ang talagang delikado lamang ay yung mga may existing co-morbidities at malubhang sakit.

Hinamon naman nito ang Department of Health na maglabas ng istatistika at pruweba na ang pagbubukas ng mga kainan at iba pang negosyo ay direktang may kinalaman sa pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.